Isang mahalagang hapon sa inyong lahat!
Bilang panimula, nagpasasalamat ako dito sa pagkakataong makasama ko kayong lahat sa maganda’t maliwanag na araw na ito dito sa napakagandang kampus na magiliw ninyong tinatawag na PLV.
Sa pagtingin ko sa inyong kampus, dahil sa magandang pakiramdam na nakukuha rito, naaalala ko ang mga kakaiba at kaakit-akit na kampus ng mga unibersidad sa Estados Unidos.
JG Summit President and CEO Lance Y. Gokongwei.
Nabanggit sa akin na ang kanyang alma mater na Georgetown University sa Washington, D.C., ang pinagkunan ni Mayor Rex ng inspirasyon sa pagkokonsepto at pagpapatayo nitong kapita-pitagang institusyon na talagang maipagmamalaki ng mga mamamayan ng Valenzuela.
Dahil ako’y nasa kalagayan din ninyo noong mahigit na tatlumpung taon na ang nakararaan, alam ko kung gaano kaimportante itong araw na ipinagdiriwang natin ngayon para sa inyong lahat na nagtrabaho nang lubus-lubusan para maging karapat-dapat sa mga degree na tatanggapin ninyo ngayon.
Marami sa inyo ang tumanaw sa araw na ito na puno ng kaba at tuwa—at siguro, kaunting takot—habang tinatapos ninyo ang isang kabanata ng inyong nakababatang buhay at sinisimulan namang isulat ang susunod na mga pahina ng inyong kuwento.
Lahat kayo, walang itsa-puwera, ay karapat-dapat na narito ngayon. Kayo ang mga pumasok sa klase, nag-aral nang husto para sa mga exam, at nagtrabaho nang puspusan sa pagsusulat ng inyong mga papeles.
Walang makakaagaw niyan sa inyo, at lahat kayo ay dapat na magkaroon ng panahon para mag-relax at magpakasaya sa inyong natupad.
Gayunpaman, ito rin ay isang magandang panahon para lumingon sa nakaraan at alalahanin ang lahat ng taong tumulong sa inyo sa panahon ng inyong paglalakbay: ang inyong mga magulang, ang inyong mga guro at tagapayo, at ang lahat ng nakapagbigay ng kontribusyon sa inyong edukasyon sa iba’t ibang paraan.
Ang aking ama, si John Gokongwei Jr., ay nakapagbigay rin sa akin ng maraming leksiyon sa buhay, at isa na riyan ang maging mapagpasalamat.
Kaya hinihimok ko kayong lahat na alamin at kilalanin ang lahat ng tao at institusyong nagbigay ng mga oportunidad para maganap ang araw na ito—kabilang na riyan ang suportang ibinigay sa PLV ng liderato ng pamahalaan ng Valenzuela City.
Tulad ng malinaw na nakaukit sa commemorative marker ng inyong pangunahing gusali, ang kampus na ito ay isang parangal sa maaliwalas na kinabukasan ng kabataang Valenzuelano at siyang magsisilbing inspirasyon para maniwala tayo na ang puspusang pagtatrabaho ay magbubukas ng mga pinto tungo sa mas magandang kinabukasan.
Sa mula’t mula ay naniwala ang ama ko na dapat tayong mamuhunan sa edukasyon at dapat nating tulungan ang iba na makapag-aral—at walang duda, aaprubahan niya ang pagsisikap ng pamahalaang panlunsod na makapagbigay sa taumbayan ng Valenzuela ng de-kalidad na edukasyon na kayang abutin ng lahat.
Hindi lihim na ang aking ama ay nagbigay at patuloy na nagbibigay ng malaking pagpahalaga sa edukasyon.
Halimbawa, nang makita niya na ang kanyang nakababatang kapatid—ang aking Uncle James Go, na sa ngayon ay siyang boss ko bilang chairman ng JG Summit, ang aming holdings company—ay maganda ang ginagawa sa eskuwelahan, hinimok siya ng aking ama na mag-enroll sa nangungunang engineering school sa Estados Unidos, ang Massachusetts Institute of Technology.
Gayundin, nang makita niya na mataas ang pangarap at pagsisikap ko at mataas ang nakukuha kong mga grade, sinuportahan niya ang pag-aaral ko sa Wharton School of Business sa University of Pennsylvania.
Dahil sa masigasig na pagsuporta ng aking ama sa edukasyon—na makikita sa mga grant na ibinigay ng kanyang foundation, ang Gokongwei Brothers Foundation, sa maraming unibersidad, at sa daan-daang scholarship na ipinamigay naman sa mga karapat-dapat na estudyante—nagugulat ang marami na ang aking ama ay nasa hinog na at lumalaban pang edad na singkuwenta’y uno nang makuha niya ang kanyang diploma sa kolehiyo.
Hindi tulad ninyo na guma-graduate ngayon, hindi siya agad na nakatuntong sa kolehiyo noong bata-bata pa siya dahil ang ama niya’y namatay noong siya’y trese anyos pa lamang.
Bilang panganay sa anim na magkakapatid, inako ng aking ama ang pag-aalaga sa kanyang ina at sa kanyang apat na kapatid na lalaki at isang kapatid na babae.
Bihirang mangyari na ang mga kuwentong nagsisimula sa hirap at trahedya ay nagkakaroon ng happy ending o maligayang wakas, pero hindi hinayaan ng aking ama na hirap at kagipitan ang magtatakda ng kahihinatnan ng kanyang buhay at ng buhay ng kanyang pamilya.
Nagkawatak-watak ang kanyang pamilya dahil sa maraming pangyayari, kabilang na diyan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil ang kanyang mga nakababatang kapatid ay napilitang makitira sa mga kamag-anak sa Tsina, samantalang siya ay kinailangang kumita ng sapat na ikabubuhay sa Cebu para masuportahan sila.
Noong kinse anyos na siya, nagbibisikleta siya araw-araw papunta sa palengke para magtinda ng sinulid, sabon, kandila, at iba pang bagay na pakiramdam niya’y kailangan ng tao.
Gumising siya nang mas maaga pa sa iba at nagtrabaho nang mas matagal pa sa iba.
Wala siyang mapagpilian kundi ang gawin kung anuman ang bumagsak sa kanyang mga kamay, sapagkat maaga pa’y natutunan niya ang sa kalaunan ay matututunan din namin na kanyang mga anak: kung hindi ka magtatrabaho, hindi ka kakain.
Kaya nagtrabaho nang husto ang aking ama, nagbibiyahe ng hanggang dalawang linggo mula sa Cebu hanggang sa Lucena, sakay ng isang maliit na sasakyang-dagat na kung tawagin ay batel, at pagkatapos ay kailangan niyang magbiyahe mula Lucena hanggang Maynila para lamang ibenta ang kanyang mga paninda.
Ang prinsipyong iyan sa pagtatrabaho, higit sa anuman, ang pundasyon ng kanyang tagumpay—at iyan din ang prinsipyong sinikap niyang ipasa sa akin at sa aking mga kapatid.
Hindi ibinigay ng buhay ang lahat sa aking ama, at tiniyak din niya na kami, ang kanyang mga anak, ay hindi mabibigyan ng anuman sa isang platong pilak.
Kung may anumang gusto kami, kailangang pagtrabahuhan namin iyon. Hindi kami tumatanggap ng malaking baon kung papasok kami sa eskuwela, at ni hindi kami tumatanggap ng pera sa mga kaarawan namin o sa Pasko.
Nang magtapos na kami sa pag-aaral, hindi na rin kami binigyan ng maliit na baon. Kung gusto namin ng perang panggastos, kailangan naming pagtrabahuhan iyon.
Senator Sherwin Gatchalian, Lance Y. Gokongwei, Mayor Rex Gatchalian.
Walang mataas na posisyon ang nakalaaan sa akin o sa mga kapatid ko nang magtapos kami ng pag-aaral.
Pag-uwi ko mula sa kolehiyo sa University of Pennsylvania, nagsimula akong magtrabaho bilang management trainee sa aming food division.
Ibig sabihin niyan, kinailangan kong lumabas at magbenta ng mga pangmeryendang Jack ’n Jill sa mga supermarket, grocery, at sari-sari store.
Dalawang libong piso ang suweldo ko sa isang buwan. Dahil kailangang maglibot sa siyudad, pinayagan ako ni Dad na gamitin ang isang lumang kotse, ni hindi man lang Nissan kundi isang Datsun na noon ay sira ang air-conditioner.
Maaaring anak nga ako ng boss, pero nagtrabaho ako nang mas masikap sa iba para patunayan na hindi ako basta lang anak ng boss.
Sa paniniwala ng aking ama, para namin mapahalagahan ang mga pagkakaiba ng aming mga negosyo, kinailangan naming magsimula sa ilalim at maging handang madumihan ang aming mga kamay.
Ang kapatid kong si Robina ay nagsimula bilang clerk sa bodega ng Robinsons Department Store. Ang isa ko pang kapatid, si Marcia, noong nasa high school siya, ay taga-scoop ng ice cream sa isa sa aming lumang tindahang Presto.
Ngayon, si Robina ang namamahala sa buong retail business ng Robinsons, samantalang si Marcia ay isa sa mga pangunahing executive sa aming food manufacturing business.
At ako naman, pupusta ako na nakahawak ako ng mas maraming bra kaysa sinumang lalaki o babae dito ngayon—dahil isa sa mga naging una kong trabaho ay ang maglagay ng price tag sa mga bra ng babae sa aming mga department store.
Pero seryoso, ito at ang iba pang mga trabahong napasukan ko sa mga kompanya ng aking ama ang siyang tumiyak na hahangaan at igagalang ko ang dignidad at kahalagahan ng trabaho.
Kung gumugol ako ng oras para iparating sa inyo ang kuwento ng aking ama at paano niya ipinasok sa amin ang dignidad at pagpahalaga sa tiyaga at puspusang pagtatrabaho, iyan ay dahil naniniwala ako na ito ang ikaiiba ninyo sa mga estudyanteng magtatapos ngayon sa Pilipinas at sa iba pang dako ng mundo.
Kasabihan nga sa teatro, walang maliliit na gagampanang papel—mga maliliit na artista lamang. Ganyan din sa trabaho.
Walang trabahong hindi makabuluhan—mga manggagawang walang-halaga lamang. Ito, sa paniniwala ko, ang nasa puso ng propesyonalismo: ang pagtanggap sa tungkuling ibuhos ang inyong puso’t kaluluwa sa paggawa ng inyong trabaho, at sa paggawa nito sa pinakamahusay na paraang kaya ninyo.
Ang ibig sabihin nito ay ang pagkakaroon ng kakayahan at ang pagkakaalam sa inyong trabaho sa loob at labas. Ang ibig sabihin nito ay ang kakayahang makapagbigay ng mahusay na trabaho nang husto sa oras, sa lahat ng oras. Ang ibig sabihin nito ay ang pagtalikod sa pilosopiya ng “puwede na” at ang pagtangkilik sa klase ng pagtatrabaho na “siyento porsiyento o zero.”
Bahagi rin ng propesyonalismo kung paano kayo nakikisama sa inyong mga katrabaho at natututong maging team player o manlalaro sa isang koponan.
Noong nagsisimula ako sa aming kompanya, anak nga ako ng boss pero hindi ko ginamit ang ranggo kong iyan laban kaninuman o para ipagmalaki ang aking sarili. Miyembro lang ako ng koponan, tulad ng lahat.
Naging miyembro pa nga ako ng basketball team ng aming kompanya, pero ang sama kong maglaro, kaya hindi ako ipinapasok sa court, puwera na lang kung sobra nang malaki ang lamáng ng kabilang team.
Pero ang pakikipagpraktis at pakikipaglaro sa mga kasamahan ko sa kompanya ay nakatulong sa akin na magkaroon ng magandang pakikipagrelasyon sa kanila.
Ang nabuo naming teamwork ay nadala mula sa basketball court patungo sa opisina.
Lahat kami ay natutong magtrabaho nang magkakasama, at ito ang nagdala sa amin sa maraming tagumpay bilang kompanya.
Sa eskuwelahan, kung may ipapagawa sa inyo nang grupo-grupo, kung minsan ay posibleng kausapin mo ang iyong guro at hilingin na payagan kang magsumite nang hiwalay na papeles o proyekto dahil hindi mo makasundo ang mga kasamahan mo sa proyekto.
Sa trabaho, hindi puwede iyan. Kailangan ninyong matutunan at kilalanin na bahagi kayo ng isang team at tanggapin na ang bawat isa sa inyo ay may papel na ginagampanan para matiyak ang pakikipagkompetensiya at pagtatagumpay na inyong organisasyon—at responsibilidad ninyo na mailabas ang kagalingan ng iba pa, hindi lang ng inyong sarili.
Sa propesyonalismo ay kailangan din ang integridad, katapatan, at pananagutan—ang pagpayag na tanggapin ang responsibilidad para sa inyong ginagawa at ang pagkakaroon ng lakas ng loob na gawin ang tama, hindi lamang kung kailan maayos ang mga bagay-bagay, kundi lalo na kung hindi maayos ang takbo ng mga ito.
Ang kahalagahang ibinibigay namin sa propesyonalismo ay siyang dahilan kung bakit kami sa aming kompanya, JG Summit, ay nagbibigay-halaga sa saloobin na katulad ng pagpapahalaga sa kakayahan.
Kung susuriin ninyo ang mga taong nagtagumpay sa kani-kanilang larangan, makikita ninyo na may mga ordinaryong indibidwal na nagawang makarating sa tuktok, gayundin ay may magagaling na tao na nabigong makamit ang kanilang angking kakayahan.
Maaaring gasgas na ito sa pandinig, pero ilang beses nang napatunayan na ang pagtatrabaho nang puspusan ay tumatalo sa talino kung ang talino ay hindi nagtatrabaho nang puspusan. Ang pagtatrabaho nang puspusan ay tumatalo sa talino kung ang talino ay hindi nagtatrabaho nang puspusan.
Kung may natutunan ako sa maraming taon ng pagtatrabaho ko sa maraming negosyo ng pamilya, ito iyon: hindi naman talaga mahalaga kung saang eskuwelahan kayo nagtapos, ang mahalaga ay kung saan ninyo gustong makarating—at madaling makita kung sino ang may hangarin at sigasig na maging napakagaling.
Kaya naman, sa aming kompanya ay mayroon kaming malusog na paghahalo-halo ng mga nagtapos sa iba’t ibang eskuwelahan, hindi lamang iyong galing sa kinagawiang mga pangunahing eskuwelahan sa bansa, kundi pati iyong galing sa mga nangunguna at may magandang hinaharap na mga kolehiyo sa iba’t ibang dako ng bansa, mula Aparri hanggang Jolo.
At ito ang mga taong nagtulak sa JG Summit na maging isa sa mga nangungunang conglomerate o kalipunan ng negosyo dito sa ating bansa.
Hindi ko bibihisan nang maganda ang katotohanan at sasabihin sa inyo na ang buhay ay laging mainam at makatarungan, at kung magiging masipag kayo sa pagtatrabaho ay agad kayong kikilalanin at gagantimpalaan.
Ang buhay ay bihirang maging makatarungan, at kung minsan ang inyong sipag sa pagtatrabaho ay hindi mapapahalagahan; at posibleng ilang taon mula ngayon, kung hindi magiging maayos ang inyong buhay, sasabihin ninyo na ang lahat ng sinabi ko dito ngayong araw na ito tungkol sa prinsipyo sa pagtatrabaho at propesyonalismo ay angkop lamang sa iilang masuwerte.
Kapag nangyari iyan, panatilihin sa inyong isip na sa bawat tagumpay na nakamit ng aking pamilya ay mayroon ding maraming kabiguan na posibleng nagpabago sa tadhana ng JG Summit kung hinayaan ng aking pamilya na ang mga kabiguan ang magdikta sa aming pagsulong.
Subalit laging ipinupukpok ng aking ama ang punto na sa landas patungo sa tagumpay ay nagkalat ang kabiguan.
Hindi ito maiiwasan, lalo na kung malaki ang inyong mga pangarap. Gayunman, tandaan ninyo na sa kalaunan ay maaalala kayo dahil sa inyong mga naisakatuparan, hindi dahil sa inyong mga kabiguan.
Sapagkat ang importante ay hindi kung ilang beses kayong nadapa o nabigo kundi kung ilang beses kayong bumangon at muling nagsikap.
At sa pagbangon, sa muling pagtindig, nagtagumpay na kayo, at malamang ay matutupad ninyo ang anumang gusto ninyong matupad.
Ngayon, iilan na lang ang nakakaalala sa aming mga bumagsak na negosyo. Puwede ninyong tanungin ang inyong mga magulang kung alam nila ang Presto Ice Cream, o ang Litton Mills, o ang Robina Chicken, at natitiyak kong hindi na nila halos maaalala ang mga kompanya o brand na ito—pero ngayon, alam ng lahat ang Cebu Pacific, Robinson Malls, Jack ’n Jill, at C2.
Tatapusin ko ito sa pamamagitan ng dalawang kaisipan ng pamamaalam. Sabi nga ninyong mga millennial, at itinuturing kong millennial din ako, YOLO—you only live once.
Una, sa masalimuot na mundong ito, huwag ninyong hayaan ang mga kalamangan o hamon na pigilin kayo sa pagsisikap na makamit ang inyong mga hangarin.
Lagi ko itong ipinaaalala sa aking sarili: ngayong pinamumunuan ko ang isang malaking kompanya, responsable para sa apatnapung libong tao, kailangang patuloy kaming kumilos bilang isang maliit na kompanya, bilang isang humahamon, para patuloy naming hamunin ang nakaluklok sa puwesto, yugyugin ang status quo o kasalukuyang kalagayan, hanapin at bigyang-kasiyahan ang pangangailangang hindi pa natutugunan—na siyang nag-akyat sa JG Summit sa kinalalagyan nito ngayon—at ang pormula ring ito ang siya ring magpapabagsak sa mga kompanyang katulad namin o patuloy na maghahatid sa amin sa mas mataas na tugatog.
Ang pormulang iyan ay angkop din sa inyo, kung kayo man ay negosyante o propesyonal.
At pangalawa, patuloy na mag-aral at matuto. Sa pagsisimula ninyo sa susunod na kabanata ng inyong buhay, huwag kalimutan na kailangan ninyong patuloy na mag-aral kahit na nakaaalis na kayo sa prestihiyosong unibersidad na ito.
Ang pag-aaral o pagkakatuto ay isang patuloy na proseso dahil patuloy na nagbabago ang mundo at kailangang sundan ninyo ang mga nangyayaring pagbabago.
Gayong ang mga degree na nakuha ninyo ngayon ay talagang dahilan para magdiwang, dahil sa pagsabog ng impormasyon at bilis ng pagbabago na pangunahing isinusulong ng teknolohiya ay kailangan pa rin nating itatak sa isip ang patuloy na pag-aaral at pagkakatuto.
Ang kaisipan ng habang-buhay na pag-aaral at pagkakatuto ay siyang paniguro ninyo laban sa pagkalaos, kabilang diyan ang pagiging ganap na laos na ng inyong mga degree sa kinabukasan.
At ang habang-buhay na pag-aaral ay tungkol sa pagkakaroon ng walang-sawang hilig sa pagbabasa, pag-eeksperimento, pagkakaroon ng karanasan, pagsisikap, pagbagsak, pag-iinat, pakikibagay, at pagtatanong.
Nabigyan kayo ng isang bagong panimula at mga blangkong pahina. Ngayon, kung saan kayo dadalhin ng inyong paglalakbay at kung paano magwawakas ang lahat ay nasa sa inyo na.
Muli, maligayang bati sa class of 2019! Mabuhay kayo at maraming salamat po sa inyong lahat!